Wednesday, May 13, 2009
Haring Morpheus(Liwanag sa Dilim)
Dumating ka sa aking buhay sa di ko inaasahang pagkakataon.Mula pa ng una'y kinasusuklaman ko ang ideya na malapit man lang sa yo,ikaw na mapaglinlang na tupa.Ako'y lupang tigang sa sikat ng araw,naghihintay kahit man lang hamog na manggagaling sa magdamag na pag abang sa malamig na gabi.Nang magsimulang matighaw ang aking ugat,umakyat ito patungo sa sinapupunan ng buhay,tumibok at nagpupumiglas na mabigyang katarungan ang presensya ng paglikha.At doon ko naramdaman ang aking pagkatao-ang aking pagkababae.Ngunit di lahat ng pamumukadkad ay kasing tamis ng nektar!Unti -unti naging isang hapis ang lahat ng glorya. Ang tik tak ng bawat segundo ay isang latigo na humahaplit sa aking nagugulumihang kaluluwa.Bumubulusok ako sa isang patibong na di ko matanaw ang silip ng liwanag.Walang araw at gabi na di ko nalalasap ang alat ng luha.Pinilit kong mawalan ng ulirat sa lahat ng bangungot na ito-at ako ay naging isang bagay na walang saysay.Isang teorya na napasailalim sa mga matang mapangmatyag.Nararamdaman ko sa pagitan ng aking kamulatan at panaginip na malapit ko ng isuko ang laban,sabi nila hindi ito ang pakikibaka na pwede kong pagtagumpayan at naniwala ako sa alunignig ng katotohanan at pagkutya.Banayad kong ipinikit ang aking mga mata para sa akin tapos na ang lahat,at biglang mula sa karimlan ay naramdaman kitang sumukob sa aking espiritu.Animo'y isa kang arkanghel na nag- angat sa akin patungo sa espasyo ng langit at lupa.Bakit di ko inaasahan na ganitong kapayapa ang kayang mong idulot.Sumisid akong kasama ka sa pusod ng dagat.Umakyat tayo sa matayog na bundok.Tinalon natin ang matarik na bangin.Inabangan natin ang pagsabog ng nag-aalimpuyong bulkan at lahat ng ito ay isang di maipaliwanag at rurok ng kaluwalhatian.Ang lahat ng pait na dumadaloy sa akin ay nagiging pulo't gata ng pag asa na ikaw lang pala ang makapagbibigay.Hinango mo ako sa limbo ng walang katiyakan.Alam ko na di wasto pero ang katumpakan ng bawat kirot ay manhid na sa bawat indayog ng iyong kapangyarihan.Walang kasing tahimik ang bawat hampas ng daluyong,di na kailanman ako matitigatig ng nagngangalit mong pagsambulat..Matagal sa yo ako ay nahimlay,di ko napagtanto kung ako'y isang nimpa na naligaw sa yong masukal na kagubatan o diwatang naghihintay ng aliw ng isang estrangherong kailanma'y wala ng babalikan.Mahigit syam na buwan na ikaw ay aking naging kalaguyo!Pagtataksil na ubod tamis ng kapalit.Ikaw ang aking katuwang ng aking iluwal ang metamorposis ng pag ibig.Hindi ko kailanman kinasuklaman ang iyong presensya kahit ito'y nakakalason sa aking diwa.Walang bahid ng panghihinayang na inihatid mo ako sa pinto ng busilak na hardin.Naging isang malamig na nyebe na huminto sa pagdaloy ang butil ng aking luha at lahat ng iyon ay dahil sa dala mong hiwaga.......At unti-unti ako'y nagising sa pagkakasadlak sa isang malungkot na kamatayan.Nakarinig ako ng mga tinig,tumatawag,nanghihikayat.Ikaw raw ay dapat ko ng lisanin.....hupa na daw ang pusok na romansang dulot mo!At ng sandaling iyon ang liwanag ay naging dilim kung paano noon ang aking dilim ay naging liwanag...Ako'y muling naguluhan sa pakikipagsapalaran ko sa iyo !At sa wakas ika'y nagkaron ng katauhan sa huling yugto ng aking paglalakbay.Ngunit oras natin ay tapos na...Paalam o aking Haring Morpheus!Hanggang sa muli nating pagtatagpo.........
Wednesday, May 06, 2009
Usapang Kama
Ewan ko ba!Sa tinagal tagal na naming mag asawa ni Kevin,madalas pa rin akong maasar sa mga usaping binabalot ng libog at pag-ibig.Masyadong kumplikado magmahal ang aking nakuhang kabiyak at sex partner.Hindi ko yata kailanman maintindihan ang biological na dikta ng katawan ng babae kumpara sa hamon ng init na pagnanasa ng lalaki(di ako boba para di ma recall ang basic sex education na itinuro ng aking titser bagama't ginugol ko ang apat na taon sa mataas na paaralan sa poder ng mga madre)O di kaya ay busy lang ako sa pangangarap ng gising when i was 13 years old kaya di pumasok sa utak ko ang mga unang aral ng sex bago ako nagkaroon ng aktuwal na karanasan sa larangan ng pagninig..Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko,ang pakikipagtalik para sa akin ay tulad ng pakikipagtagisan ng teorya,mga samut-saring pilosopiya na naghahatid ng kakaibang glorya,kaya sa madali't sabi hindi po basta bumibigay ang"bataan" ng walang psychological stimulation.Minsan naman ay nasasabayan nya ang aking mga trip pero mas madalas ay inaabot ng pikon lalo na kung inaabot na din sya ng sakit ng puson .Madalas nyang sabihin sa akin na ihiwalay ko ang isyu ng pulitika o mga paksang tumatalakay sa lipunan at buhay kapag kami ay walang mga saplot dahil iyon daw ay panahon ng pagbibigay laya sa lahat ng mga naiipon naming pananabik.Wala talagang bagay na magkapareho sa mundo,lahat tayo may individual na interpretasyon sa bawat mga rason katulad na kung paano ang persepsyon natin sa sex.Para sa akin hindi lang ito isang pag ibig o libog o kati na dapat kamutin.Hindi rin ito isa lang aktibidad upng maibsan ang init ng laman o di kaya'y pagbibigay pugay sa ating pagiging babae o lalaki kasama na rin ang mga bakla at tomboy,seks sa pangkalahatan hetero man o homo anuman ang saligan ng pagsasadula ng ating ekspresyon.Kumplikado para sa akin ang bagay bagay na tumatalakay sa usaping ito.Proseso ito ng isang pag iisa at pakikidigma,mga kontradiksyon madugo at mapayapa.Minsan iniisip ko kung iniisip ng aking partner na killjoy ako sa larangang ito.Hindi raw naman ,kapag ako daw naman kasi ang nangangalabit marami daw akong paraan para maipanalo ang aking gusto,pati daw ba naman sa pakikipagniig pinupulitika ko daw sya,sabi ko naman dapat naaaninag nya ang aking saloobin kapag ako ang nagkukusa dahil may malalim iyong dahilan(syempre bukod sa pisikal na satispaksyon na dulot nito dahil di naman ako robot para itanggi ang kayang ibigay na rurok na ligaya nito)bagamat tamad naman talaga akong magkusa!Lagi laging sumasagi sa aking isip na ang ugnayan ba ng katawan ay ugnayan din ng isipan?Halimbawa kung maglabas ba sya ng isang babaeng bayaran iba ba ang approach ng pakikipagtalik nya sa prosti kung pano sya makipagtalik sa akin?Tinanong ko na sa kanya iyon pero sabi nya iba daw naman yun kasi hindi raw naman involved ang puso,ang sagot ko naman eh pano yun iba iba din naman tayo ng konsepto ng "puso".Siguro di ko maipapaliwanag kung paano o kung bakit kasi di ko pa naman nasubukang makipagtalik ng di involved ang aking puso(which means ang aking isip!) O kung ang aking isip ang nakikipagtagpo sa larangan ng "lovemaking" mas malinaw kayang "mindmaking" ang aking ibansag ,ibig bang sabihin nito eh may tsansa akong tumalon sa bakod kung may indibidwal na pwedeng magkaron ng pinakamalapit na koneksyon sa aking field of interest?Dapat ko bang tawaging seks ang malayang pakikipaglanguyan ng pangarap?ng rebolusyon? ng pagkatalo?ng tagumpay?ng pag-asa?ng tag-sibol?o ng kamatayan?ng ulan?ng pagsikat at paglubog ng araw o di kaya'y ang pagsilay ng nahihiyang buwan?ng tuwa?ng tanong?ng agam-agam?ng takot?ng hamon?ng pagkabigo?o mismong ang pinakamasakit na paraan ng pakikipagtalik sa kalungkutan?Marahil kung lahat ng ito ay pwedeng maging isang paraan ng seks....Itinatanghal ko ang aking sarili na Sex Goddess of all times!
Subscribe to:
Posts (Atom)