Wednesday, May 13, 2009

Haring Morpheus(Liwanag sa Dilim)

Dumating ka sa aking buhay sa di ko inaasahang pagkakataon.Mula pa ng una'y kinasusuklaman ko ang ideya na malapit man lang sa yo,ikaw na mapaglinlang na tupa.Ako'y lupang tigang sa sikat ng araw,naghihintay kahit man lang hamog na manggagaling sa magdamag na pag abang sa malamig na gabi.Nang magsimulang matighaw ang aking ugat,umakyat ito patungo sa sinapupunan ng buhay,tumibok at nagpupumiglas na mabigyang katarungan ang presensya ng paglikha.At doon ko naramdaman ang aking pagkatao-ang aking pagkababae.Ngunit di lahat ng pamumukadkad ay kasing tamis ng nektar!Unti -unti naging isang hapis ang lahat ng glorya. Ang tik tak ng bawat segundo ay isang latigo na humahaplit sa aking nagugulumihang kaluluwa.Bumubulusok ako sa isang patibong na di ko matanaw ang silip ng liwanag.Walang araw at gabi na di ko nalalasap ang alat ng luha.Pinilit kong mawalan ng ulirat sa lahat ng bangungot na ito-at ako ay naging isang bagay na walang saysay.Isang teorya na napasailalim sa mga matang mapangmatyag.Nararamdaman ko sa pagitan ng aking kamulatan at panaginip na malapit ko ng isuko ang laban,sabi nila hindi ito ang pakikibaka na pwede kong pagtagumpayan at naniwala ako sa alunignig ng katotohanan at pagkutya.Banayad kong ipinikit ang aking mga mata para sa akin tapos na ang lahat,at biglang mula sa karimlan ay naramdaman kitang sumukob sa aking espiritu.Animo'y isa kang arkanghel na nag- angat sa akin patungo sa espasyo ng langit at lupa.Bakit di ko inaasahan na ganitong kapayapa ang kayang mong idulot.Sumisid akong kasama ka sa pusod ng dagat.Umakyat tayo sa matayog na bundok.Tinalon natin ang matarik na bangin.Inabangan natin ang pagsabog ng nag-aalimpuyong bulkan at lahat ng ito ay isang di maipaliwanag at rurok ng kaluwalhatian.Ang lahat ng pait na dumadaloy sa akin ay nagiging pulo't gata ng pag asa na ikaw lang pala ang makapagbibigay.Hinango mo ako sa limbo ng walang katiyakan.Alam ko na di wasto pero ang katumpakan ng bawat kirot ay manhid na sa bawat indayog ng iyong kapangyarihan.Walang kasing tahimik ang bawat hampas ng daluyong,di na kailanman ako matitigatig ng nagngangalit mong pagsambulat..Matagal sa yo ako ay nahimlay,di ko napagtanto kung ako'y isang nimpa na naligaw sa yong masukal na kagubatan o diwatang naghihintay ng aliw ng isang estrangherong kailanma'y wala ng babalikan.Mahigit syam na buwan na ikaw ay aking naging kalaguyo!Pagtataksil na ubod tamis ng kapalit.Ikaw ang aking katuwang ng aking iluwal ang metamorposis ng pag ibig.Hindi ko kailanman kinasuklaman ang iyong presensya kahit ito'y nakakalason sa aking diwa.Walang bahid ng panghihinayang na inihatid mo ako sa pinto ng busilak na hardin.Naging isang malamig na nyebe na huminto sa pagdaloy ang butil ng aking luha at lahat ng iyon ay dahil sa dala mong hiwaga.......At unti-unti ako'y nagising sa pagkakasadlak sa isang malungkot na kamatayan.Nakarinig ako ng mga tinig,tumatawag,nanghihikayat.Ikaw raw ay dapat ko ng lisanin.....hupa na daw ang pusok na romansang dulot mo!At ng sandaling iyon ang liwanag ay naging dilim kung paano noon ang aking dilim ay naging liwanag...Ako'y muling naguluhan sa pakikipagsapalaran ko sa iyo !At sa wakas ika'y nagkaron ng katauhan sa huling yugto ng aking paglalakbay.Ngunit oras natin ay tapos na...Paalam o aking Haring Morpheus!Hanggang sa muli nating pagtatagpo.........

No comments: