Friday, October 04, 2019

Ikaw at ako at ang mga lihim
Na namamagitan at para lamang sa atin
Mga rebelasyong tayo lang ang may angkin
Sa kaibuturan ng puso at damdamin

Mapalad ako na ikaw ay natagpuan
Sa panahon ng panimula ng kamulatan
Sabay nating tinahak ang landas ng karanasan
Hindi naging madaling nakuha ang kaligayahan

Sa tuwing kita'y pinagmamasdan
Di ko na alam ang pakiramdam
Nang buhay sa sayo ay mawalay
Bigkis natin patuloy na tumitibay

Mula noon hanggang ngayon
Sa yo lamang nakatuon
Buhay ko at alay na pag- ibig
Walang makakasukat kahit anumang ligalig

Panahong lumipas at dumatal
Ikaw itatangi aking mahal
Sa patuloy nating paglalakbay
Mahigpit mong hawakan aking kamay



-Diwang naglalakbay sa gabing walang idlip.Para kay Maru (agom) .

October 04,2019


Wednesday, March 09, 2011



may pinipilit akong aninagin sa karimlan
mga repleksyon na ginagabayan ng liwanag ng buwan
kay tagal na palang lumipas ng panahong di namalayang nakaligtaan
pusok at pag -ibig,luha at pagsuyo,dala ng pangarap at kamusmusan

natatandaan mo pa ba ang mga usal at karinyo
sa tabing dagat na tila ba itinutulak ng alon ang puso
mga dampi ng yong labi na nag uugnay sa ating mga pangako
saksi ang isang laksang bituin na animoy paroo't parito

dama ko ang buhangin habang tayo ay nakahiga
nakatingala sa ulap na hawak kamay minsa'y walang salita
samyo ng hangin ang nag uusal ng ating mga panata
alunignig ng kuliglig ang ritmo ng ating musika


may babalikan pa ba sa panahong nagdaan?
o sadyang pinawi na ang bakas sa dalampasigan
kahapon at ngayon,ika'y isang pag ibig
na sasariwain sa panahon ng ligalig

at ako'y muling bumalik sa dagat ng ating kabataan
upang hanapin doon ang yong pagsintang iniwan
muli kong tinitigan ang tahimik na kalawakan
ngunit bakit wala akong natagpuan?

may hapdi at kurot na ako'y humakbang
nakalimot na ika'y nasa aking likuran
tinanong mo ako kung bakit mata ko'y may lumbay
na tugon ko'y di ko na mahanap,nakakapanghinayang!

kinuha mo ang aking mga kamay at dinala sa sa yong dibdib
at winikang,ng tayo ay lumisan pagkatapo ng pangako
iyon ay aking iningatan dito sa aking puso
hindi para maglaho kundi umukit ng ubod ng tigib

unti unti kong inangat aking mukha upang aninagin ang yong mga mata
di ko mawari at biglang naguluhan,puti na iyong buhok .noo'y may gatla
lumipas na ang panahon ikay di naman pala lumisan
kasama kong binagtas ang pangako ng pag ibig,kabataan lang pala ang umalis


- tula alay kay maru sa panahong babalikan namin ang mga nakaraan ilang taon pa mula ngayon.....


Wednesday, December 02, 2009

Break Time

Bakit ganun na ang pakiramdam ko sa feelings natin sa isa't isa,ang layo layo na!Mahirap pala yung ganun,walang arguments pero laging nasa gitna ang tensyon...Wala namang gustong mauna sa atin na basagin ang katahimikan,kung ano ba talaga ang tunay na score sa ting dalawa.sabi ko nga sa yo,sa pagkakaalam natin pareho naman tayong logical ,pero parang napaka walang kwenta ng pinatutunguhan ng lahat.Basta nagsawa na lang ba?Ganun na lang yun?

Wednesday, May 13, 2009

Haring Morpheus(Liwanag sa Dilim)

Dumating ka sa aking buhay sa di ko inaasahang pagkakataon.Mula pa ng una'y kinasusuklaman ko ang ideya na malapit man lang sa yo,ikaw na mapaglinlang na tupa.Ako'y lupang tigang sa sikat ng araw,naghihintay kahit man lang hamog na manggagaling sa magdamag na pag abang sa malamig na gabi.Nang magsimulang matighaw ang aking ugat,umakyat ito patungo sa sinapupunan ng buhay,tumibok at nagpupumiglas na mabigyang katarungan ang presensya ng paglikha.At doon ko naramdaman ang aking pagkatao-ang aking pagkababae.Ngunit di lahat ng pamumukadkad ay kasing tamis ng nektar!Unti -unti naging isang hapis ang lahat ng glorya. Ang tik tak ng bawat segundo ay isang latigo na humahaplit sa aking nagugulumihang kaluluwa.Bumubulusok ako sa isang patibong na di ko matanaw ang silip ng liwanag.Walang araw at gabi na di ko nalalasap ang alat ng luha.Pinilit kong mawalan ng ulirat sa lahat ng bangungot na ito-at ako ay naging isang bagay na walang saysay.Isang teorya na napasailalim sa mga matang mapangmatyag.Nararamdaman ko sa pagitan ng aking kamulatan at panaginip na malapit ko ng isuko ang laban,sabi nila hindi ito ang pakikibaka na pwede kong pagtagumpayan at naniwala ako sa alunignig ng katotohanan at pagkutya.Banayad kong ipinikit ang aking mga mata para sa akin tapos na ang lahat,at biglang mula sa karimlan ay naramdaman kitang sumukob sa aking espiritu.Animo'y isa kang arkanghel na nag- angat sa akin patungo sa espasyo ng langit at lupa.Bakit di ko inaasahan na ganitong kapayapa ang kayang mong idulot.Sumisid akong kasama ka sa pusod ng dagat.Umakyat tayo sa matayog na bundok.Tinalon natin ang matarik na bangin.Inabangan natin ang pagsabog ng nag-aalimpuyong bulkan at lahat ng ito ay isang di maipaliwanag at rurok ng kaluwalhatian.Ang lahat ng pait na dumadaloy sa akin ay nagiging pulo't gata ng pag asa na ikaw lang pala ang makapagbibigay.Hinango mo ako sa limbo ng walang katiyakan.Alam ko na di wasto pero ang katumpakan ng bawat kirot ay manhid na sa bawat indayog ng iyong kapangyarihan.Walang kasing tahimik ang bawat hampas ng daluyong,di na kailanman ako matitigatig ng nagngangalit mong pagsambulat..Matagal sa yo ako ay nahimlay,di ko napagtanto kung ako'y isang nimpa na naligaw sa yong masukal na kagubatan o diwatang naghihintay ng aliw ng isang estrangherong kailanma'y wala ng babalikan.Mahigit syam na buwan na ikaw ay aking naging kalaguyo!Pagtataksil na ubod tamis ng kapalit.Ikaw ang aking katuwang ng aking iluwal ang metamorposis ng pag ibig.Hindi ko kailanman kinasuklaman ang iyong presensya kahit ito'y nakakalason sa aking diwa.Walang bahid ng panghihinayang na inihatid mo ako sa pinto ng busilak na hardin.Naging isang malamig na nyebe na huminto sa pagdaloy ang butil ng aking luha at lahat ng iyon ay dahil sa dala mong hiwaga.......At unti-unti ako'y nagising sa pagkakasadlak sa isang malungkot na kamatayan.Nakarinig ako ng mga tinig,tumatawag,nanghihikayat.Ikaw raw ay dapat ko ng lisanin.....hupa na daw ang pusok na romansang dulot mo!At ng sandaling iyon ang liwanag ay naging dilim kung paano noon ang aking dilim ay naging liwanag...Ako'y muling naguluhan sa pakikipagsapalaran ko sa iyo !At sa wakas ika'y nagkaron ng katauhan sa huling yugto ng aking paglalakbay.Ngunit oras natin ay tapos na...Paalam o aking Haring Morpheus!Hanggang sa muli nating pagtatagpo.........

Wednesday, May 06, 2009

Usapang Kama

Ewan ko ba!Sa tinagal tagal na naming mag asawa ni Kevin,madalas pa rin akong maasar sa mga usaping binabalot ng libog at pag-ibig.Masyadong kumplikado magmahal ang aking nakuhang kabiyak at sex partner.Hindi ko yata kailanman maintindihan ang biological na dikta ng katawan ng babae kumpara sa hamon ng init na pagnanasa ng lalaki(di ako boba para di ma recall ang basic sex education na itinuro ng aking titser bagama't ginugol ko ang apat na taon sa mataas na paaralan sa poder ng mga madre)O di kaya ay busy lang ako sa pangangarap ng gising when i was 13 years old kaya di pumasok sa utak ko ang mga unang aral ng sex bago ako nagkaroon ng aktuwal na karanasan sa larangan ng pagninig..Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko,ang pakikipagtalik para sa akin ay tulad ng pakikipagtagisan ng teorya,mga samut-saring pilosopiya na naghahatid ng kakaibang glorya,kaya sa madali't sabi hindi po basta bumibigay ang"bataan" ng walang psychological stimulation.Minsan naman ay nasasabayan nya ang aking mga trip pero mas madalas ay inaabot ng pikon lalo na kung inaabot na din sya ng sakit ng puson .Madalas nyang sabihin sa akin na ihiwalay ko ang isyu ng pulitika o mga paksang tumatalakay sa lipunan at buhay kapag kami ay walang mga saplot dahil iyon daw ay panahon ng pagbibigay laya sa lahat ng mga naiipon naming pananabik.Wala talagang bagay na magkapareho sa mundo,lahat tayo may individual na interpretasyon sa bawat mga rason katulad na kung paano ang persepsyon natin sa sex.Para sa akin hindi lang ito isang pag ibig o libog o kati na dapat kamutin.Hindi rin ito isa lang aktibidad upng maibsan ang init ng laman o di kaya'y pagbibigay pugay sa ating pagiging babae o lalaki kasama na rin ang mga bakla at tomboy,seks sa pangkalahatan hetero man o homo anuman ang saligan ng pagsasadula ng ating ekspresyon.Kumplikado para sa akin ang bagay bagay na tumatalakay sa usaping ito.Proseso ito ng isang pag iisa at pakikidigma,mga kontradiksyon madugo at mapayapa.Minsan iniisip ko kung iniisip ng aking partner na killjoy ako sa larangang ito.Hindi raw naman ,kapag ako daw naman kasi ang nangangalabit marami daw akong paraan para maipanalo ang aking gusto,pati daw ba naman sa pakikipagniig pinupulitika ko daw sya,sabi ko naman dapat naaaninag nya ang aking saloobin kapag ako ang nagkukusa dahil may malalim iyong dahilan(syempre bukod sa pisikal na satispaksyon na dulot nito dahil di naman ako robot para itanggi ang kayang ibigay na rurok na ligaya nito)bagamat tamad naman talaga akong magkusa!Lagi laging sumasagi sa aking isip na ang ugnayan ba ng katawan ay ugnayan din ng isipan?Halimbawa kung maglabas ba sya ng isang babaeng bayaran iba ba ang approach ng pakikipagtalik nya sa prosti kung pano sya makipagtalik sa akin?Tinanong ko na sa kanya iyon pero sabi nya iba daw naman yun kasi hindi raw naman involved ang puso,ang sagot ko naman eh pano yun iba iba din naman tayo ng konsepto ng "puso".Siguro di ko maipapaliwanag kung paano o kung bakit kasi di ko pa naman nasubukang makipagtalik ng di involved ang aking puso(which means ang aking isip!) O kung ang aking isip ang nakikipagtagpo sa larangan ng "lovemaking" mas malinaw kayang "mindmaking" ang aking ibansag ,ibig bang sabihin nito eh may tsansa akong tumalon sa bakod kung may indibidwal na pwedeng magkaron ng pinakamalapit na koneksyon sa aking field of interest?Dapat ko bang tawaging seks ang malayang pakikipaglanguyan ng pangarap?ng rebolusyon? ng pagkatalo?ng tagumpay?ng pag-asa?ng tag-sibol?o ng kamatayan?ng ulan?ng pagsikat at paglubog ng araw o di kaya'y ang pagsilay ng nahihiyang buwan?ng tuwa?ng tanong?ng agam-agam?ng takot?ng hamon?ng pagkabigo?o mismong ang pinakamasakit na paraan ng pakikipagtalik sa kalungkutan?Marahil kung lahat ng ito ay pwedeng maging isang paraan ng seks....Itinatanghal ko ang aking sarili na Sex Goddess of all times!

Friday, May 23, 2008

Nag-iisang komrad sa aking Puso

Ilang panahon na ba ang lumipas ng aking natutunan ang isang paniniwala/idelohiya na naglapit sa yo?Lagi kong binabalikan ang mga ala-ala ng magkakahalong damdamin.Takot-na sa bawat paglisan mo ay di ka na babalik pa mula sa isang madugong pakikidigma.Tuwa-sa sandaling masilayan ko ang mga bawat hakbang mo patungo sa aking kinalalagyan.Pag-aalinlangan-sa bawat unos na humahampas sa dalampasigan ng ating pagsuyo.Galit-sa lipunang nag -udyok sa atin upang maging isang mapaghimagsik na mga kaluluwa.Pag-asa-sa bagong bukang liwayway na sisilip sa ating mga adhikain.
Matagal kong iningatan ang pag-ibig na walang patutunguhan ng mga panahon na yon,nagkaroon din ako ng mga katanungang may bahid ng sakit ang mga sagot-na baka nga walang pag-asa.Pero patuloy akong sumagwan sa laot ng iyong mga pangako-mga pag-ibig na hinabi sa masalamuot na sigalot.
At ngayon,binibilang ko ang mga taon ng ating pagiging magkarelasyon.Labing -apat na taong punong puno ng pakikipagsapalaran!Marahil itatanong mo sa kin kung napagtagumpayan ba natin ang lahat ng ito?Matagal ko ng inalam sa aking sarili ang mga kasagutang punong puno ng tamis at pait.Katulad ng ating pakikibaka,ang ating pag-ibig ay isang reboulsyong mahirap matanaw ang dulo ng tagumpay.Animo'y isusuko subalit patuloy ang laban.Masarap damhin ang naging bunga ng lahat lahat ng ito.Sa bawat paglingon ko,di na ko natatakot pang may makakabuwag ng ating moog.Ang mga pagdududa ay tuluyan ng pinawi ng iyong pagsisikap na pagtakpan ang mga kahinaang dala mo sa pagpasok sa ating relasyon,katulad din ng pagmulat mo sa kin na ako man ay may mga kahinaan din.Tagumpay na ako na ikaw ang aking naging kasama at kabiyak.Naabot ko na ang mga hinahanap ko sa buhay.Hindi na ko nangangamba na subukan pa tayo ng pagkakataon .Ikaw ang dahilan kung bakit ako may munting anghel,ikaw lang ang aking tanging dahilan sa pagsibol ng ating Gabriel.....Hindi ko kailanman makukuha ang anumang uri ng tagumpay kung wala ka at wala si bunso....Ikaw at si gabriel ang tangi kong tagumpay.....
Mula sa umpisa hanggang sa huli,patuloy sanang maging isa ang ating pagsuyo..
Maraming salamat sa makukulay nating paglalakbay,ikaw na aking Komrad Kevin.

Monday, April 21, 2008

Pangako Kay Gabriel

Marami akong gustong itanong
Mga palaisipang may kirot sa puso
Nagsasalimbayang pag-aalinlangan
Animo'y along may bantang dumagan

Pinipilit kong maunawaan ang bawat pait
Ay kasama lamang ng iyong pagmamahal
Tulad ng hanging dumadampi sa langit
Salubong ay unos ng iyong dibdib na bakal

Kailan mo matatanto na hindi ako moog
Na di magigiba ng brutal mong pagsuyo
Nanghihina rin ang kaluluwa kong sumuko
Sa pangakong huhupa ang kidlat at kulog

Sa bawat hampas ng bagsik ng iyong kamao
Kalasag ko ay mga binitawan mong pangako
Na hindi na mauulit mga impit at daing
Ng walang kalaban-labang kong bisig

Ika'y aking natagpuan sa ideolihiyang
Mapagpalayang aking pinaniwalaan
Ikaw na mandirigmang marangal
Na sa aking pag -ibig ay magtatanghal

Ako ay umaasa na dumating ang paghupa
Ng nagbabaga mong emosyon
Para sa ating bituing sumisibol
Gabriel,ang tanging bunga ng ating unyon

Wednesday, December 13, 2006

Mga Hinanakit sa Gabing Walang Idlip

Naisipan ko na namang itanong sa aking sarili ang isang tanong na very complex ang alam kong isasagot ng akin ding sarili.Bakit walang bagay na nag eexist sa kasalukuyan na pwedeng maging kapantay ng isa ding bagay,halimbawa ,isang relasyon.Di ko alam kung gusto ko ngang magsulat ng aking mga walang kwentang ideas o gusto ko lang maglabas ng mga sama ng loob tungkol sa ating relasyon.Marami akong tanong sa yo na walang makuhang diretsong sagot .Puro patakas at palaiwas na argumento ang kaya mong ihatag sa aking harapan.Nakakapagod din palang umasa na pwedeng magtagpo ang ating mga pananaw sa gitna,mukhang malabo na!Nakakabangkarote rin pala ng isang pagkatao ang matagal na proseso ng paghihintay ng isang pagbabago.It could be my fault as well but the truth is mali pala ako ng pagtantya ng kung ano ang kakayahan mo sa kung ano ang kaya mong ibigay.You could be a good provider of economic means but it does'nt mean that you bring the goodness out of you,because i shared my labor of economic effort as well.Mahirap aminin na di yata ikaw ang ang karelasyon na matagal kong iningatan dahil sa isang prinsipyo na suppose to be ay nag uugnay sa atin.Hindi mo nga siguro kasalanan ang lahat dahil hindi ka aware sa sino at ano ka para sa akin.I will die regretting myself being an idealistic moron.Wala akong pwedeng aninagin na may katwiran pang isalba ang isang relasyon na nagsusurvive lang ng dahil sa isang political ideas .Ang relasyon ko sa yo sa madaling salita ay political,isang walang katapusang debate ,mga teoryang mataas ang antas pero kulang sa esensya kapag pinagtilad tilad. Mahirap mag attempt i drain ang emotional side of me pero ito ay katulad lang ng terminong internal struggle sa pulitika, nalalampasan din at napapagtagumpayan kahit na sa isang madugong pamamaraan.I hate to say that i will take the responsibility of the collapse of this union,matapos na lang lahat ang bawat issues natin sa isat'isa.I don't want to grow old with you na nakikita kitang hindi lumalago sa piling ko katulad din ng di ko paglago sa piling mo.Walang magandang organisasyon na sa pag urong ang nakikita kong kinabukasan.You still have time to make up for youself na di mo ako kasalo para malaman mo sa sarili mo na ako ang dahilan ng mga kabiguan mo sa panahon ng ating pagsasama.Mapait ang aking panlasa sa katotohanang hindi ako naging isang epektibong gabay para sa iyo gayundin ikaw sa akin.Isang demoralisasyon na nag aksaya lang tayo ng mahigit isang dekada para wala lang matutunan sa bawat isa ng isang bagay na makakapagpatunay na kailangan pa nating ipagpatuloy ang ating relasyon.Binigo ko na naman ang aking sarili.Malungkot na pangitain sa aking Gabriel na lumalaki syang unti unti na palang gumuguho ang pangarap na inihahabi ko para sa kanya.Mahirap ibalik o ipagpatuloy ang bawat hakbang ng pag asa.Sana matagpuan ko ang aking sarili na malayo na sa lahat ng kabiguang idinulot ng ating relasyon.Gusto kong lumago bilang isang individual katulad rin ng ginagawa mong pagtuklas sa iyong sarili,yung hindi involved sa isat'isa,yung malaya sa kritisismo at mulat sa responsbilidad.Mula dito, ang bawat paghahanap ko ng realisasyon ay isang walang katapusang pakikibaka.Mahal kita kasama,marami tayong pinagdaanan sa larangan ng pag- ibig at rebolusyon.Bakit di ko kailanman maunawaan ang unos na humahampas sa nanghihina kong moral.Ang ating si Gabriel,sya ba ang kasagutan ng bawat pagpapatuloy?Kung si munting Gabriel ang aani ng ating madugong tunggaliaan para mapagtagumpayan itong ating kontradiksyon,i will take the risks even it will take a lifetime to prove the principles i believe and fight for......Hanggang sa muling pag usbong ng bulaklak ng pagsinta aking kasama....ako ay maghihintay tulad ng aking pag aabang ng panahong ika'y nagtatangkang mag alay ng buhay alang alang sa rebolusyon,ikaw ay nasa aking dibdib palapalagi,umaasa na magbabalik,aalis at muling magbabalik.....At ngayon nandito lang ako sa yong muling pagbabalik .......palaging naghihintay.

Friday, December 08, 2006

An Open Apology To A Comrade

A news exploded in front of my face.I don't know if i'm going to take it as if it's just like any ordinary scenario of ones life in a world of unending struggle they called ''movement". I am very proud of what you achieved but i still feel the fang of guilt.It is still gives me a shivering thought that you are undergoing a very painful process of torture in it's highest form .My heart aches that i stole the one precious figure to whom you rely the loyalty of camaraderie,one brother in arms that you needed at this very crucial moment.My life here in England is not envious as i projected ,i'm hiding myself in a masquerade of pretensions because i'm still longing the life i want to live or should i say a life i want to die for.You gave your very most life without any expectations in return,when we left to quest for the things that the movement can't provide us, we never heard you utter any single bitter judgement we are expecting to hear,it gives you the courage to fight for more, instead.That's makes me feel guilty because i deny to myself that we left you in the middle of what we promise to uphold until to the end of what we believe in.You are more than a brother not even just a a friend , because you are a very principled revolutinonary that i don't deserved to claim myself as your comrade.I always give myself a thought that one day if you're not going to find us we will find a way to cross our path and then i solemnly raise my fist in the air to give you my share of respect to the heroism you offer to those weak souls of revolutions.So long my comrade and my honest apology to you......

Tuesday, August 15, 2006

Rebolusyon sa aking Kaisipan

Saan ka patungo diwang laboy?Tila ba wala kang kapaguran sa pagtuklas ng mga bagay na alam mo rin naman ang kasagutan o sadyang ginagawa mo lang na isang paraan ng pagtakas sa realidad na matagal ng sa iyo'y bumabagabag.Bakit kailangan mong pagtakpan ang kahinaan ng isang mapagpanggap na pagganap?Hindi kita kailanman maintindihan o aking balintataw!Sa bawat pagtatangka mong lumaya ay para bang lalo kang lumulubog sa kumunoy ng pagkakupot .Nasa aking ala- ala pa ng sinubukan mong tumalon sa bangin ng walang hanggang kalayaan ngunit naalimpungatan ka pa ring usad pagong ang pagbabago.Kailan ka ba gigising sa mga bangungot ng katotohanan na patuloy na umiikot sa masasamang pangitain?Na panahon ng pagpiglas ay baka sakaling dumating na rin !

Monday, June 12, 2006

hwag ng init ulo baby

narinig ko na naman ang litanya ng aking agom(salitang asawa sa bikol) na para bang isang awitin ng isang banda.tuwing ihahatid ako ni jon sa aking workplace di nya nakakalimutan na paalalahanan ako na iwasan ang makipag argumento sa aking mga katrabaho,bakit kamo e lagi akong umuuwing umuusok sa galit.makasama mo ba naman ang mga taong gusto lang sumweldo pero ayaw gumawa eh di heart attack ang lagi kong inaabot!sabi pa nga ni jon "wala ka na sa freedom park,di mo pwedeng iapply sa kanila ang prinsipyong natutunan mo na pantay pantay sa lahat ng bagay lalo na sa paggawa.bakit ganon?bakit hindi pwede?pareho ang sweldo dapat pantay paggawa!di ko yata kaya na bukod sa pagsasamantala ng kompanya pagsasamantalahan pa ako ng kapwa ko workers!oh no!marami pa sana akong dapat sabihin kaya lang time out muna umiiyak na ang aking munting bunso!papasok na naman ako bukas at may bahid na naman ako agam agam na may susuungin na naman akong argumento,pero di bale na ang mahalaga ay isa akong manggagawa na umaasa pa rin sa pagkakapantay pantay sa lipunang ito,baka nga kailangan ko munang basagin ito sa hanay mismo ng aking mga katrabaho bago ko pangarapin ang isang bagay na malayo pa sa aking mga pangitain.......kaya lang sana...... sana lang...